Sa loob ng sasakyan ay walang imikan ang dalawa habang binabaybay ang daan papunta kila Nicole. Ihahatid sya ng lalaki. Hindi nila malaman kung paano sisimulan ang pag-uusap hanggang sa malapit na sila sa kanilang patutunguhan.
“Nicole…I-I’m…I’m sorry…nabigla lang ako..” bungad ng lalaki. Ngunit tahimik lang ang dalaga. “Sa ngayon, hindi ko pa alam ang gagawin ko…please give me some time” dugtong nito. Pagkababa ni Nicole sa harap ng kanilang gate ay biglang humarurot si Richard papalayo. Ang totoo’y hindi nito alam ang gagawin.
Biglang napabalikwas si Vangie. Nagising ito sa tunog ng kanyang cellphone. Tiningnan niya ang orasan. Alas tres ng umaga. Nagtataka niyang kinuha ang cellphone. Nabigla pa ito ng makita kung sino ang tumatawag. Si Nicole.
“Hello, Nicole”
“Vangie….” Sagot ng nasa kabilang linya sabay hagulgol ng malakas. Gulat na gulat sa Vangie sa sitwasyon.
“Nicole..anong problema?”
“Malaki, Vangie…Malaki…I’m sorry”
Halos isang oras ang kanilang usapan. Ikinuwento ni nicole ang lahat-lahat kay Vangie mula nung kaarawan ni Richard hanggang sa nangyari kanina sa School. Hindi makapaniwala si Vangie. Biglang nagulo ang isip nito. Hindi malaman kung magagalit siya sa binata. Kung maawa sa kaibigan o kung susundin ang nararamdaman kay Richard.
“Pero Vangie…tanggap ko na…hindi ako ang mahal ni Richard..ikaw yun..masaya na ako na nalaman nya at nalaman mo ang pangyayari.”
“Nicole-“
“Mahalin mo sya para sa akin ha?”
“Mahalin mo sya.”
Natapos ang kanilang usapan at nagkaayos ang magkaibigan. Ngunit isa lang ang naramdaman niya ngayon kay Richard. Kinamumhian niya ito.
Hindi siya pumasok nung araw na iyon at naglagi lamang buong maghapon sa kwarto.
Kinabukasan, alas sais ng umaga. Muli na namang nagising si Vangie sa tunog ng kanyang cellphone. Nataranta pa siya nang malamang tanghali na para pumasok sa eskwela. Hindi na lang muna ako papasok sa unang subject. Sa isip niya. Hindi niya malaman kung paano bubungaran ng salita ang kausap ng malaman kung sino ang tumatawag sa kanya.
“H-Hello?” nag-aalangang bati niya.
“Vangie…may sasabihin sana ako.” Tinig mula sa kabilang linya.
“Alam ko na lahat Richard…sinabi sa akin ni Nicole. Lahat ng nangyari sa inyo”
“Pero hindi mo alam ang totoo.”
“Ano ang sasabihin mo? Lasing ka lang kaya mo nagawa yon?”
“Hindi ganoon…oo lasing ako pero..ikaw ang nasa isip ko habang ginagawa ko iyon…maniwala ka.”
“I’m sorry Richard…kailangan mong panagutan si Nicole. Kung ano man yung tungkol sa atin…kalimutan mo na.”
“Vangie please…give me one more chance.”
“Para ano? Para pahirapan ako? Para lalo ako ng masaktan?”
“Vangie..mahal kita..i’m sorry..please help me.”
“Tulungan kita?”
“Hindi ko kayang mawala ka Vangie…please…please let me love you…kahit sa huling saglit man lang.”
“Tapos ano? Iiwan mo ako? Iiwan nyo ako?”
“That is not what I mean…Vangie…mahal na mahal kita..tandaan mo yan…mahal na mahal kita” at naputol ang linya.
Litong lito ang dalaga. Ramdam niya ang sinseridad ng lalaki. Gusto niyang kausapin pa ito at sabihing mahal din niya ito ngunit wala ng siyang lakas ng loob. Nagmadali siyang naghanda para sa eskwela.
Alas-otso na ng makarating si Vangie sa School. Binati agad siya ni Nicole. Naging normal ang kanilang usapan. Kinuwento ni Nicole ang kanyang mga plano sa kanyang magiging anak. Alam na pala ito ng kanyang magulang at masaya siya dahil tanggap nila ito bagamat naging mahirap para sa kanilang gawin iyon. Masaya rin si Vangie sa kaibigan dahil nakita nito ang kaginhawahan sa mukha nito. Tila nabubuhay na ito sa kapayapaan. Hindi tulad niya na nangangapa pa rin tungkol sa kanila ni Richard. Oo nga pala. Si Richard. Hindi pa raw ito pumapasok simula kahapon ngunit wala namang nakapagsabi kung ano ang nangyari dito. Hindi pa nila alam ang dahilan.
Bumuhos ang malakas na ulan nung dapit hapon na. hindi halos makaalis ng eskwela ang magkaibigan dahil kapwa sila walang bitbit na payong. Naghintay silang tumila ang ulan. Ilang sagli pa ay tumunog ang kanyang cellphone. Tila lumundag ang kanyang dibdib ng malaman kung sino iyon. Halos nanginginig nyang sinagot si Richard.
“Hello Richard?” may ngiti sa kanyang labi. Tumingin siya kay Nicole. Nakangiti ito sa kanya at kumindat.
“Vangie…kailangan nating magkita ngayon sa simbahan…may sasabihin ako sa iyong mahalaga…pasensiya ka na kung ikaw ang pupunta sa halip na ako..hindi ko lang kayang magpakita pa dyan.” Malungkot ang tinig nito.
“O-ok lang…sige..pupunta ako..papatilain ko lang muna yung ulan.”
“K-kung pwede sana, ngayon na…mahalagang mahalaga lang talaga..i’m sorry.”
“Ngayon? O-o sige…sige pupunta na ako.”
“At Vangie…”
“Ano yun?”
“Mahal na mahal kita…” at biglang naputol ang linya.
Ipinaliwanag niya kay Nicole ang sitwasyon at naintindihan naman ito ng kaibigan. Masaya rin ito para sa knilang dalawa ni Richard. Tanging pag-iingat lamang ng kaibigan ang kanyang nasabi.
Malakas ang ulan ngunit hindi iyon hadlang upang hindi siya magtungo sa usapan ng kanyang minamahal. Narating niya ang simbahan ngunit wala pa doon si Richard. Naglakad-lakad pa siya ng kaunti at sa di kalayuan ay natanaw niya ang aura ng isang lalaki. Si Richard. Habang papalapit ay nakikita niya ang mukha nito. Nakangiti sa kanya. Ngunit tila malungkot ang kanyang mga mata. Malamig ang paligid ngunit di nila ito alintana. Nang marating niya ito ay agad siyang niyakap ng lalaki. Hinawakan sa pisngi at dinampian ito ng malambing na halik. Gumalaw ang labi nito at sinagot naman ng dalaga. Malamig ang mga labi nito ngunit ramdam niya ang init ng pag-ibig doon.
“Tara sa bahay.” Sabi ng lalaki ng maghiwalay ang kanilang mga labi. Tumango lamang ang dalaga at hindi nakuhang magtanong pa. malapit ng tumila ang ulan kaya’t nilakad na lamang nila ito. Medyo malapit na sila sa bahay ng matanaw niyang maraming tao dito. Patuloy ang kanilang paglakad. Nang marating nila ang gate ay sinalubong siya ng isang matandang babae.
“Basang-basa ka hija. Kaibigan ka ba ni Richard?” tila nag-aalalang tinig nito. Tumango lamang siya. “Mabuti at nakarating ka rito. Halika pasok ka.” Nagtataka si Vangie sa ikinilos ng matanda. Nilingon niya si Richard ngunit hindi niya ito makita. Iniwan ako bigla. Hindi man lang nagsabi. Habang papasok siya ay nakita niya ang mga tao na nakaupo sa paligid ng ilang mesa. Tila nahiya siya dahil basang-basa ang kanyang damit.
“Linda! Kaibigan daw ni Richard!” anang matandang babae at lumabas ang isang pang may edad na babae. Hindi pa ito katandaan, marahil ay nasa late 40’s. malungkot itong ngumiti sa kanya habang papalapit.
“kaibigan ka kamo ng anak ko?” sabi nito nang makalapit kay Vnagie.
“Opo. Ako po si Vangie.” At iniabot niya ang kanyang kamay sa babae na malugod namang tinanggap nito.
“Vangie? Ikaw si Vangie? Buti naman at nakarating ka.” at muling tumulo ang luha nito.
“Sinundo po ako ni Richard dun sa may simbahan” si Vangie.
“Ha?” nagtatakang tila natigilan ang babae. At tango lamang ang kanyang isinagot. “Anong ibig mong sabihin? Halika nga sa loob bago mo ipaliwanag yan” dugtong pa nito at hinawakan siya sa braso at inakay papunta sa loob. Habang naglalakad ay nakita niya ang mga bulaklak sa paligid. At sa di kalayuan ay mayroong isang kabaong at tila kilala niya ang litratong nakapatong doon. Nanindig ang kanyang balahibo ng masiguro ang itsura ng tao doon. Dinig niya ang tibok ng kanyang dibdib. Tila mawawalan siya ng ulirat ng marating niya at makita kung sino ang nakahimlay sa kabong na iyon. Si Richard.
Natulala si Vangie.
“Alas dos ng madaling araw nung Miyerkules, tumawag siya sa akin at umiiyak.” Muli na namang tumulo ang luha ng babae. “Nabangga raw siya sa poste sa may kanto ng Tanza. Umiiyak siya at humihingi ng tulong…” humagulgol na ang babae. “awang awa ako sa kanya pero wala kong magawa…” kinilabutan si Vangie, hindi makapaniwala. “at…bago siya na-..lagutan ng hininga,… sinabi nyang…. Paki…sabi kay…. Vangie na…mahal na mahal ko sya...” halos himatayin siya nung marinig iyon. Tila binuhusan siya ng malamig na tubig.
Wala na pala si Richard nung makausap niya ito sa cellphone. Tuluyan na ring umagos ang luha sa kanyang pisngi. Nanindig ang kanyang balahibo, unti-unting nandilim ang kanyang paninign at….tuluyan na syang nawalan ng ulirat.
Ang hiwaga ng pag-ibig. Minsan ay sadyang mahirap unawain ngunit kaysarap pakinggan at damhin ang tunay na kuhulugan nito. Sa kabilang buhay man, patuloy na umaasang muli itong matutuklasan. At habang patuloy na nabubuhay ang damdaming ito, patuloy na umaasa at makikiusap ng damhin ito, kahit sa huling saglit.

No comments:
Post a Comment