//end popup

Wednesday, September 12, 2012

Kahit Sa Huling Saglit (Part 2)

Naging maayos naman ang unang pagkikita ng bagong magkakaibigan. Noong una ay medyo nahihiya pa si Vangie at pawang si Nicole lamang ang nagsasalita, ngunit ng kalaunan ay nagkwento na rin ito. Kapwa sila masaya at palitan ng kung anu-anong jokes. Nagkakilala sila ng lubusan at nagpalitan sila ng cellphone numbers at hindi nila halos namalayan na tapos na ang lunch break at balik na muli sa eskwela.

“Gie, type na type ko talaga si Chad. Kaso sa tingin ko, ikaw ang gusto eh.” Bulong ni Nicole sa kaibigan. Nasa loob na sila ng classroom noon. Magkatabi kasi sila ng upuan. Ang kanilang guro ay nagsusulat sa board.

“Ano ka ba? Mamaya na natin pag-usapan yan. Nasa loob tayo ng classroom” sagot ng dalaga.

“E, hindi ako mapalagay. Crush ko talaga sya.” Muling bulong ni Nicole.

“Pwede ba?..ok..ganito na lang…wag kang mag-alala dahil hindi ko sya type. Kahit na manligaw pa sya, if ever, hindi ko sya sasagutin. Clear ba yun?”

“Talaga? Promise yan ha?”

“Nicole!” malakas na tinig mula sa harapan ng classroom. At alam ni Nicole kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon.

“I believe you have something to tell us. Would you mind sharing it to all?” matigas na tinig ni Mrs. Peña. Ang kanilang Algebra 101 teacher.

“A..e..wala po ma’am…may itinanong lang po ako kay Vangie.” Tila napahiyang tinig ni Nicole. Tumingin sya sa kaibigan na nakita nyang nakatingin din sa kanya at tila naninisi ang reaksyon ng mukha.ngumiti lang sya rito at muling bumalik ang konsentrasyon sa guro.

Naging normal ang maghapon ng magkaibigan. Hindi na nila muling napag-usapan si Richard. Kampante na si Nicole sa paniniwalang hindi nga gusto ni Vangie si Richard. Hanggang sa pag-uwi ay magkasama ang dalawa. Sa sakayan ng dyip na lang sila naghiwalay dahil magkaiba sila ng direksyon ng uuwian.

“Invite ko kayo sa Saturday. Dun sa house namin. Bday ko.” Bungad ni Richard. Naroon silang muli sa Garden ng school. Nakagawian na nilang doon tumambay pagkatapos managhalian. Masarap kasi ang simoy ng hangin doon at marami rin ang magkaka-grupo ang gumagamit sa mga kubu-kubuhan na naroon.

“Talaga? Happy Birthday!” sagot ni Vangie.

“Happy Birthday. Akalain mo, nagbi-birthday ka pa pala?” nakangiting sabi ni Nicole.

“Oo naman. At bilang regalo nyo sa akin, pupunta kayo sa amin. Ok ba yun?”

“Walang problema.” Ani Nicole.

“Check ko pa yung sched ko.” Si Vangie.

“Gie naman, minsan lang naman ‘to. Sige na pls?” pagmamakaawa ni Nicole sa kaibigan.

“Oo nga naman. Personal ko pa kayong inimbitahan ha?” si Richard. Saglit na natigilan si Vangie. Nag-iisip. Ang dalawa naman ay nag-aabang sa kanyang sasabihin.

“Hmp! Sige na nga. Pero hindi na ako magdadala ng regalo ha?” nakangiting wika ni Vangie.

“Ay ako rin. Makikikain lang ako. Hahaha” si Nicole

“No problem. Ang mahalaga ay ang presence nyo.”

”Wow! I’m touched! Kadiri ka naman! Ang korni mo!” ani Nicole at sabay-sabay na nagtawanan ang magkakaibigan.

Naging close na ang tatlo dahil sa araw-araw na pagsasama nila. Kung titingnan sila ay tila matagal na itong magkakakilala. Halos pare-pareho kasi sila ng hilig lalo na pagdating sa mga biruan.

Itutuloy...

No comments: